top of page

Miriam: Kwento ng Karangalan


Maituturing nga bang isang hangganan ang kamatayan ng tao kung patuloy pa rin namang maaalala ng sambayanan ang kanyang karangalan?

Ika-29 ng Setyembre nitong taon, tuluyan nang namaalam ang isang babaeng kinilala sa kanyang tapang. Isang babaeng tiningala at hinangaan ng marami dahil sa taglay niyang galing at pagmamahal sa bayan. Isang babae na ang pagiging Senador ay buong pusong tinanggap hindi lamang bilang trabaho kundi nagsilbi sang totoong lingkod bayan. Walang iba kundi si Senador Miriam Defensor Santiago.

Bagamat ikinalungkot ng Sambayanang Pilipino ang kanyang pamamaalam, naging dahilan rin ito upang sariwain ang kanyang mga natatanging pamana at alaala sa bansang kanyang pinaglingkuran at minahal. Nakilala natin si Senador Miriam bilang reyna ng mga ‘pick-up’ lines bago pa man mauso ang kaliwa’t kanang mga hugot ng kabataan. Dahil rito, hindi nakakapagtaka kung bakit labis ang paghanga at bilib sa kanya ng bagong henerasyon. Bukod sa katapangan at pagiging palaban, inabangan rin sa Senadora ang pagiging masayahin at pagbibigay ngiti nito sa mga taong nakapalibot.

Hindi rin matatawaran ang kanyang naging kontribusyon sa paglilinis ng kurapsyon sa gobyerno. Itinuturing na isa si Senador Miriam sa mga naging dahilan upang matuldukan ang patuloy na pagkamkam ng iilan sa kaban ng bayan. Patuloy na aalalahanin ng sambayan ang matatapang na tanong at linya ng Senador. Sa kanyang hindi matatawarang tatag at husay bilang linkod bayan, kailanman ay hindi mapapantayan ang kanyang titulo bilang “Iron Lady of Asia”.

Sa panahon na kung saan ang posisyon sa pamahalaan ay puno na ng bahid pulitika, pinatunayan ni Senador Miriam na mayroon pa ring tapat at walang alinlangan ang paglilingkod sa bayang napakarami ang suliraning kinakaharap. Isang malaking hamon ang manilbihan sa bansa ngunit sadyang natatangi si Senador Miriam sapagkat nagsilbi siya sa tatlong ng pamalaan – ehekutibo, lehislatura at hudikatura.

Sa pagpanaw ng Senador, ang Pilipinas ay magluluksa ngunit mamayani pa rin ang iniwang alaala at mga naipasang batas niya na patunay lamang kung gaano niya gusting mapabuti ang bansa. Mananatiling sariwa ang ngiti ni Senador Miriam na simbolo ng pag-asa. Patuloy na magiging bago sa ating alaala at pandinig ang kanyang mga binitawang linya na patunay na sa kabila ng lahat, ang pagtawa ay mabisang lunas sa anuman.

Bagamat natalo sa ilang sabak ng pagtakbo sa pagkapangulo, hindi natapos ang paglilingkod ng isang Miriam Defensor Santiago. Nagpatuloy sa pagiging matapang na tao sa pamahalaan at patuloy sa pagiging inspirasyon upang buhayin sa bagong henerasyon ang pusong makabayan. Isang patotoo na hindi kailangang makuha ang pinakamataas na pwesto sa gobyerno para mapatunayan na mabuti ang adhikain para sa bansa at sa mga Pilipino.

Patuloy na magiging isang magandang halimbawa si Senador Miriam sa mga kabataan para sa pagtataguyod ng bansang ito. Hindi matatapos ang pagpupugay sa kanyang mga nagawa na mapapakinabangan ng sambayanan sa mga taon pang darating. Bibihira ang kagaya ni Senador Miriam at mapalad na maituturing ang Pilipinas sa pagkakaroon ng lingkod bayan ang inialay ang kanyang oras at serbisyo ng walang halong pagdududa. Sumasaludo ang Sambayanang Pilipino sa iyo!

Hindi ito ang katapusan ng kwento ni Miriam Defensor Santiago. Isa kang natatanging karangalan sa bansang ito. Maraming Salamat sa mahabang oras na iginugol mo upang mapaglingkuran ang Pilipinas. Patuloy naming ipagpupunyagi iyong karangalan!


CAVE

Dessert 

Bar

bottom of page