top of page

SULAT MULA KAY LOLO JOSE


Mahal kong apo,

Mula sa hukay ako ay bumangon upang laman ng damdamin ay maisatitik, gamit ang pluma na baon ko pagtawid sa langit. Ayokong isiping nagkamali ako sa pagsambit ng mga katagang "Ang Kabataan ay Pag-asa ng Bayan". Apo, ikaw pa rin ba ang pag-asa? Ikaw pa rin ba ang magsasalba sa ating Inang Bansa? O siyang yuyurak, aapak at iiwanan itong nakalugmok sa lupa?

Tulad mo, ako'y naging isang bata na natutong magsulat at magbasa sa tulong nang aking Ina. Kagaya mo, ako'y naging musmos na punong-puno nang katanungan sa mundo, kung bakit ako nandito at kung ano ang magagawa ko? Tulad mo, ako'y umibig, inibig at nasaktan. Ako'y katulad mo at ika'y tulad ko. Subalit may isang bagay lamang na gumugulo sa aking isipan. Ang tanong na, katulad ko, ipaglalaban mo rin ba ang ating bayan? Tulad ko, ibubuwis mo rin ba ang sarili mong buhay para sa iyong sinilangang lupa? Apo, ako'y nagugulumihanan sa mga bali-balita tungkol sa ating bayan na kailanma'y hindi ko ninais marinig. Ikaw raw ay nalulong sa droga at masasamang bisyo. Nakarating sa akin na ikaw raw ay nagdalang-tao sa mura mong edad na dise-sais anyos. Nalaman kong hindi ka pinanagutan ng iyong nobyo at mag-isang ikinayod sa hirap ang iyong anak. May nagkwento sa akin na ikaw raw ay nangibang bayan para doon maghanap-buhay. Sa bansa na kung saan naninirahan ang mga walang awang sumakop at nagpahirap sa atin! Ganoon na ba kahirap ang Pilipinas kung kaya mo nagawang lisanin at iwan ang iyong anak?! Hindi ka ba natatakot na baka mapariwara din si Neneng? Apo, maaari mo bang ipaliwanag ang ibig sabihin ng KPOP? Ito ba ang bagong tawag sa minatamis na kendi kagaya ng lollipop? Balita ko, ito ang kinahuhumalingan ngayon ng anak mong si Neneng na nag-dadalaga na. Maraming nagsasabi na nakikita daw nila si Neneng na naglalakad, napakaikli ng suot na halos malantad na ang murang katawan. Hindi na ba uso ngayon ang saya? Madalas daw nilang marinig ang iyong anak na kumakanta gamit ang ibang lengwahe na siya lamang ang nakakaintindi o baka nga hindi niya rin maintindihan. Ito raw ang tinatawag nilang KPOP.

Apo, maaari mo ba akong turuan kung paano gamitin ang "touch screen gadgets"? Ito raw ay maliit na aparatong umaandar sa isang pindot lang pwede kana makapag laro. Sinasabi nilang may mga laro daw dito na nakakaadik. Napag-alaman kong mayroon nito si Neneng. Halos hindi na raw makausap ng maayos ang iyong anak at hindi mapag-utusan dahil nakatuon ang atensyon nito sa nasabing aparato.

Apo, hindi ba ito nakakasama sa utak at kalusugan ng iyong anak? Hindi na ba uso ngayon ang tumbang-preso, bahay-bahayan, luto-lutuan, luksong-tinik, sungka at langit-lupa? Hindi na ba uso ang mga larong nagmula sa ating mga ninuno? Ayaw na bang makipag-laro ng mga bata sa kapwa nila bata ngayon?

Apo, saan ba nanggaling ang salitang "selfie"? Balita ko ito ang bagong paraan ng pagkuha ng litrato na panay naming tinatawag na kodak. Kung noon, kaunti lang ang nakakabili ng Kamera, ngayon daw halos lahat na meron.

Apo, ako'y bumangon lang sa hukay at huli na sa uso. Ibang-iba ang henerasyon ko noon sa henerasyon mo ngayon. Totoong ang lahat ay nagbabago, subalit huwag mo sanang kalimutan ang kultura ng iyong sariling bayan na pamana sa atin ng ating mga ninuno. Huwag mong ipagpalit ang ating kultura sa mga kanta na kahit ikaw mismo ay hindi ito lubusang maintindihan. Huwag mong dayain ang iyong sarili. Huwag mong hayaan na ang ating kultura ay mamatay at matabunan ng lupa gaya ng aking libingan. Ito ang ating yaman. Ito ang ating pagkakakilanlan bilang isang Pilipino. Huwag mong ikahiya na Pilipino ka dahil kami'y nakipaglaban at namatay para ika'y isilang. Hindi ka isang patay na isda upang magpatangay sa agos. Hindi mo ikasasawi ang hindi mo pakikiuso. Ang pagiging iba ay simbolo na ika'y buhay. Mapalad ka dahil isinilang kang malaya. Ang pagiging malaya mo ay sagisag na kami'y nagtagumpay. Huwag mong sayangin ang ang kalayaan. Kumawala ka sa anino ng mga mananakop. Lumikha ka ng isang obra na magmamarka sa buong mundo. Patunayan mong ang Pilipino ay hindi gaya-gaya lamang, ang Pilipino ay may sariling kakayahan na hahangaan ng karamihan.

Apo, gusto ko ng magpahinga, nawa'y magpatuloy ang iyong pagiging malaya. Bago ako mamahinga, maaari ba akong maghabilin? Patunayan mong hindi ako nagkamali sa mga salitang aking binitawan, patunayan mong may pag-asa pang bumangon ang ating bansa, dahil nariyan ka, buhay, nakatayo at humihinga.

Nagmamahal,

Lolo Jose


CAVE

Dessert 

Bar

bottom of page